Sunday, November 22, 2009

TAGPUAN SA LUNETA

Ilang Segundo na lang at mararating ko na ang palipasan ng karamihan sa mga mag-aaral ng SLC… at ilang metro na lang ay matatanaw ko na ito. “Sana lang may mapuwestuhan pa ako,” sabi ko sa sarili ko.
Halos wala na nga akong maupuan nang marating ko na ang tinatawag ng lahat na Luneta. Hindi ko labis mawari kung ano’ng dahilan kung bakit gustung-gusto ito ng mga estudyante na pook para magpalipas ng oras o lugar kung saan magkikita-kita.
Napapaisip din ako noong ako’y baguhan pa lamang sa paaralang ito kung ano ba ang mayroon at kung ano ba talaga ang hitsura ng LUNETA.
Nasaan nga ba ang LUNETA?

Sabi nila, sa Luneta ka daw kasi makakakita ng iba’t –ibang uri ng estudyante at kung naglagi ka pa’y iyong malalaman kung sinu-sino ang magkakakilala’t magkakaibigan sa hindi. Dito rin kadalasang gumagawa ng assignment ang ilan at kapansin-pansing dito’y may nagrereview, may nagliligawan, may nag-aaway din at ang ila’y naghihintay lang ng makakasama. At higit sa lahat, dito ka makakasagap ng napakaraming balita ukol sa iba’t-ibang pangyayari, hindi lamang sa loob ng paaralan, kundi gayun din sa labas.
Ang ilan, nagpapatay-oras lamang; may mga nagmumunimuni; marami na rin ang dito’y umiyak o humagulgol; may mga nagtatawanan at nagtutuksuhan. May ilan ding naghihintay lang na mapadaan ang kanilang crush at ang iba’y wala lang talagang magawa. Kadalasa’y dito nagkakakilala ang mga magbabarkada, at sa tagal ko nang lumalagi dito’y masasabi kong marami na rin ang nagkapikunan pero marami na rin ang nagkatuluyan.
Ilang beses na rin na dito’y sinisimulan ko na ang aking panalangin habang naglalakad papunta sa kapilya. At dito’y nakatatanggap ako ng maraming ngiti, (lalo na ‘yong ngiti ni Padre Albert), mula sa mga taong kakilala at pati na rin sa mga estranghero.
Sa mga hindi nakaka-alam kung nasaan at kung ano ang hitsura ng tinatawag nilang Luneta, ito po ang natatanging lugar na humahati sa covered hallway sa hilagang bahagi ng SLC Building at siya ring natatanging ikalawang kantong nagdudugtong sa talipapa at sa kapilya. May apat na nangungusap na kongkretong upuan ito na siyang saksi sa lahat ng mga nangyayari at siya ring nakakaalam kung sino ang pumapasok sa tamang oras at kung sino ang palaging nahuhuli, empleyado man o estudyante.
Dito kadalasang dumadaan ang mga empleyadong napapabalitang laging nakasimangot at kapansin-pansin din ang mga magulang at mga yaya na naghihintay sa kanilang mga anak o alaga.

Sabi nila, ang buhay daw ng estudyante ay nakikita sa loob ng mga silid-aralan. Pero sabi ng karamihan, sa Luneta daw nila ito natagpuan.
Pa’no nga naman, sa luneta kasi nakakahanap ng mauutangan ang ilan at dito rin naghihintay ng instructors ang ilang mga mag-aaral na may markang INC.
Kung iyong pansini’t tantuin, napakasimple’t payak ng Luneta. Hindi ito ginastuhan ng malaki. Walang mga masisidhing mga palamuti kung hindi ang mga halamang pumapaligid dito at ang mga tuyong dahon ng acacia na natangay ng hangin at umikot pa ng ilang beses bago matungtong ang magaspang at tila sadyang hindi pinantay na sementadong sahig. Ni hindi pininturahan o kahit dinugtungan man lang ng bubong sa pinakahilagang dulo para naman ‘di ka nababasa kapag umuulan. Ni kisame ay tila ipinagdamot sa kanya ng tadhana.
Gayunpaman, sa kasimplehan nito’y wala itong sinisino sa mga naglalagi dito. Hindi ito mapili sa kahit anong estado – masaya ka man o nakasimangot; mayaman man o hindi; nagpapalipas ka man o nagmamadali.
Kung iyong iisiping marahan ay napakarami na’ng mga lihim na dito’y naibunyag. Marami na ring mga issue at problema ang dito’y nailantad. May mga hindi nagkaunawaan at marami na rin ang nagbati. May mga nag-walk-out dahilan ng labis na pikunan at hindi na rin mabilang ang mga nagkamabutihan. Ilang patak ng luha at pawis na rin ang dito’y tumulo. Ilang tilamsik ng laway at ilang estudyante na na rin ang napa-utot kasabay ng mga malalanding halakhak. Ilang chewing gum na nga ba ang naidikit at gaano karami na rin ang tinta ng mga ballpen ang dito’y naimarka? Sinu-sino na ba ang dito’y nag-ayos at nagpaganda? At sino na nga ba ang mga mahilig dumura? Kung makakapagsalita lamang o makakapagsulat ito’y kinuha na ni Ginoong Ader na Staffer ng Torch para makapagsiwalat at makipagsabayan sa makatotohanang pamamaraan ng pagababalita.
Sa susunod na ika’y mapadaan dito’y subukan mong maupo ng ilang sandali upang damhin ang gustong ipahiwatig kung bakit nga ba ginawa ang natatanging sining na tinatawag ng lahat na Luneta.

…isang lugar na nagbibigay ng mainit na pagtanggap sa kahit sinuman. Nanlalamig sa panahon ng tag-ulan at nakakaramdam din ng init sa tag-araw.
…wala itong daing sa mga taong pasimpleng nagpupunas ng kulangot
…wala rin itong mga kamay na maaari sanang magbigay ng masigabong palakpak para sa mga napapabaliktad…
Para sa ilan, ang Luneta ay parang wala lang. At sa iba naman, sangtuwaryo ito ng mga magkakaibigan.
Sa pagpapatuloy sa pagbibigay ng serbisyo ng Luneta, mananatili itong mapagpakumbaba kahit gamitin mo man ito ng hindi wasto. At patuloy pa rin ito sa pagtatago ng mga lihim at gayon din sa mga masasayang ala-ala ng mga magkakaibang-uri at estado ng mga taong naghahanap ng kasagutan sa napakaraming tanong sa buhay.

No comments:

Post a Comment