Pasado alas siete na ng gabi nang matapos ang panghapong misa sa St. William’s Cathedral. Hinintay ko munang magsipaglabasan ang karamihan bago ako naglakad patungong Marcos Building .
Katatapos lang ng aking klase noon nang maisipan kong magsimba kaya naman naka logo-T-shirt pa man din akong naglalakad sa lansangan sa gabing iyon ng martes.
Sari-saring kumukuti-kutitap at nag-i-indakang mga munting bumbilya ang pumapaligid sa akin habang ako’y nagpapatuloy, gayon din ang iba’t-ibang klase ng amoy mula sa mga bangketa sa lansangan. Ikatlong linggo na ng pebrero noon at marami pa ring nagtitinda sa mga bangketa, gayon din ang mga tao sa bayan na tila ba patuloy pa rin ang pista’y isang lingo na itong natapos.
Naisipan kong bumili na lamang ng mga inihaw na pagkaing-kalye dahil tiyak aabutin na naman ako ng ilang oras kung magluluto pa ako pag-uwi ko sa tinutuluyan kong apartment malapit sa SLC. Gagawin ko pa kasi ang aking mga takdang aralin.
Sinimulan ko nang pumili ng mga sari-saring laman-loob na natusok sa magkakaibang pamamaraan. Isang isaw, dalawang betamax, at siyempre ang pinaka-aasam kong taenga ng baboy.
Nagulat ako dahil sa iilang hiwa lang na tinusok sa maninipis na patpat ay gintong halaga na!
bente y singko-piso lang ang nadala ko kaya iilan lang ang aking nabili.
Pero sapat naman siguro ito kasi mabigat din sa tiyan, sabi ko sa sarili ko.
Maka-ilang sandali pa’y lutô na ang mga binili ko. Agarang humanap na rin ako ng mauupuan pagkakuha ko sa aking pinamili.
Mga ilang segundo pa lang ay natanaw ko na ang isang bakanteng bangko sa may Lion’s Park at ilang sandali pay unti-unti kong nilasap ang linamnam ng mga isaw at ang betamax.
Namumukod tangi talaga ang mga pinoy! Kung anu-ano ang naiisip na pagkain.
At siyempre, panghuli ang pinakamasarap. Hindi ko talaga lubos maisip kung bakit gustung-gusto ko itong inihaw na taenga ng baboy.
Heto na...
uunti-untiin ko...
kahit apat na kapirasong hiwa lang...
Hayan na, uhmmm...
Sa unang kagat pa lang, parang gusto ko nang sumigaw!
Napa-pikit pa tuloy ako.
At nang imulat ko ang aking mga mata, napatulala ako bigla!
May paa!
May paa sa aking harapan!
May isang napakaitim at madungis at nakakadiring paa sa aking harapan!
Kinabahan ako bigla. Sabay tingin sa kung sino mang nilalang ang nagmamay-ari nito.
Isang madungis na mama na may masangsang na amoy ang nkatayo sa aking harapan na kung makatingin ay parang cannibal ang dating. Parang afroman ang buhok (unique), at tattered pa ang puruntong nito. Parang si Long Meguia ang tindig at may bigoteng parang sa mga kadalasang hitsura nga mga ermetanyo sa mga alamat.
Mga kinse-segundo ring nakatulala ako sa kanya at siya naman, patuloy ang pagtitig sa pinakapaborito kong iisang tusok ng taenga na kasalukuyang hawak-hawak ko.
At nang maulinigan ako’y inalok ko siya sa aking hawak. Sinunggaban niya ito bigla, sabay talikod at umalis ng wala man lang imik.
Ayos din ‘tong mamang ito, ah!
Ilang sandali pa akong nakatulala sa aking kinaroroonan at pagkaraa’y naisipan ko na ring umuwi.
Hindi ko mawari kung ano ang mararamdaman ko. Maiinis ba ako dahil parang tinangay ang kaisa-isang paborito kong pagkain o matutuwa ako sapagkat kahit papaano’y nakatulong din ako?
PinasaDiyos ko na lang ang bagay na iyon at wala ako ibang nagawa kundi ipagdasal siya.
Ilang buwan din ang nakalipas nang magpasama sa akin si Jhen na bumili ng mga inihaw sa harapan ng Marcos Building . Wala na sa isip ko ang nangyari dati dahil matagal-tagal na rin.
Hindi man umabot sa sampung tusok ang nabili namin, sapat naman itong pantawid-gutom. Matagal na kaming nagkukwentuhan sa mga bagay-bagay sa mga buhay namin ay ngayon lang namin napansin na malapit na palang maghapunan. Ilang linggo din kasi kaming hindi nagkita kaya naparami ang mga napag-uusapan.
Ilang minuto pa’y nakaupo na kami’t kumakain sa lilim ng malaking kiosk malapit sa Lion’s Park. Umaambon kasi sa mga oras na iyon. Patuloy kami sa pagnguya pero walang patumangga pa rin ang aming pag-uusap.
Ilang sandali pa’y may lumapit na ale sa aming kinauupuan.
Nakangiti.
Napakasayang ngiti.
May nakalaylay pang basket na plastik sa kanang braso na may lamang boteng plastik ng sprite.
Sabi nila’y may tama daw siya.
Kumikintab pa ang kanyang mukha dahil sa pagpapahid nito ng langis. Paano ko nga naman hindi maalala ang aleng ito, siya kasi ang kumakanta ng pagkalakas-lakas tuwing may misa sa cathedral. Wala na nga sa tono, wala pa sa oras. Nakagawian na nga niyang kumanta sa mga sandaling tahimik ang lahat. Ang mga kadalasang nakakakita sa kanya’y tila sanay na sa kanyang kakaibang istilo ng pananampalataya. Malamang may tama nga ito.
Ilang segundo pa ang lumipas at binasag na rin niya ang katahimikan. Parang nanginig pa ako ng bigla niyang sabihing,
“Ading, mabalin dumawat dita merienda yo?”
Ang ganda ng boses.
Parang anghel.
Kahit sino naman siguro’y mahihiyang pagdamutan ang ale. Kasi naman, maayos na nga pagkakasabi niya’y nakakalantay-tuhod pa! Kaya naman agaran ko siyang binigyan ng betamax (inihaw na dugo). Pero nanlaki ang mga mata ko nang bigla niyang sabihing;
“Ay…. Saanak mang-mangan iti dara, diay laengen lapayag…”
Ay, sus maryosep! Santa maria iloco sur, abagatan ti narvacan! Buhay nga naman, oh! Kung sino pa ang humihingi, siya pa ‘tong namimili… at nakangiti pa rin ang ale!
Wala akong nagawa kundi ibigay ang gusto niya. Pakiramdam ko’y masisiraan na ako ng ulo.
Nalubag lamang ang aking loob nang mag-thank you siya.
Pero ilang lingo pa ang nakalipas ay palaisipan pa rin sa akin ang mga nangyaring ito. Natanong ko rin sa aking sarili na sa dinami-dami ng mga tao sa pook na iyon, bakit ako ang kanilang napiling hingan ng pagkain? Pero sa kakaunting naibigay ko, alam kong nakatulong ako kahit papano.
Akin na lamang napagtanto nang sunud-sunuran ang mga biyayang dumating sa buhay ko mkaraan ang ilan pang mga araw.
Hindi ko masasabing sa pag-bibigay ko ng pagkain sa mga taong gutom ang siyang dahilan kung bakit napakarami ang mga natanggap kong biyaya. Inisip ko na lamang na ito ang pamamaraan ng Poong Maykapal upang ihanda ako sa kanyang mga biyaya.
At sa kakaunting panahon na pakikihalu-bilo ko sa kanila, kahit wala man sila sa tamang pag-iisip ay nadagdag nila ng kulay ang magulo kong buhay.
No comments:
Post a Comment