Sunday, November 22, 2009

Pluma

Madalas hawak ng bawat estudyante ang pluma. Maliit man, kamangha-mangha naman kung ito'y ginamit sa tama. Ano nga ba ang pumapasok sa iyong isip sa tuwing naririnig mo ang salitang pluma?
Alam mo ba na ang iba pang tamang pagbigkas sa salitang “ballpen” ay “golpen”?
Maliban sa panulat ay ginagamit din itong pang-alis ng tinga at tutuli, pwedeng pangkamot, at maaari ring gamiting lollypop o teether. Madalas din nating ginagamit ito na panungkit, gayon din sa paglagda ng mga dokumentong mahahalaga.
May kanya-kanyang pangalan at naaayon na presyo ang bawat pluma. Pero alam mo ba kung bakit mas mahal ang pilot sa panda kahit na mas madali itong masira? Dahil ang nais ng gumawa, pahalagahan mo ito at itrato bilang isang mahalagang kagamitan. Isa pa, hindi lahat nakakabili ng mamahaling pluma. Pero mahal man o mura, may natatangi itong halaga.
Sadyang hindi nakakapagsalita ngunit maaaring tagapagsalita. Panulat sa kwaderno o sa papel; bandalismo sa dingding o kodigo sa silya; cellphone number sa 20-peso-bill o sa mga upuan ng mga sasakyan; pang-tattoo sa nakababatang kapatid o maaari ring panaksak kung may tulisan. Lahat ng ito’y nakadepende sa kung ano man ang iyong maisipan at sa iyong kasalukuyang nararamdaman.
Mananatiling mapagpakumbaba sa kahit ano mang pamamaraan ang nais mong gawin niya. Kahit na kung minsan, mas pinipili mo ang tintang asul na kasing-kulay ng langit at ng mundo; o ng pula na kasing-kulay ng bibig at mata ni lyka; o ng itim na kasing-kulay ng budhi o gilagid; o ng berde na kasing-kulay ng isip at ng fish garden.
Pero huwag kang mag-alala dahil kahit walang saysay ang iyong sagot sa pagsusulit, may puntos ka pa rin. Ika nga ng ilang guro, “sayang ang tinta…”
Tandaan mo lang, na ang ilang pluma kapag nilaro o kahit hinayaang mahulog lang, ito’y dumudura ng sobra o kung minsan, basta na lang hindi maglalabas ng saloobin sa pamamaraan ng tinta.
Sa totoo lang, mapalad ka kung mayroon kang pluma, sapagkat inaasam ito ng ilan sa iyong kapwa. Oo, hindi lahat nakakabili ng pluma. Kaya’t gamitin mo sana ito sa tama.
Ganoon din dapat sa ating mga kaibigan; minamahal… dinadamayan…
Pero kung ihahalintulad mo ang iyong sarili sa isang pluma, anong klaseng pluma ka?
Ako naman, hindi ako pilot. Sapagkat hindi ako mahal.
Isa akong parker. Isang napakamahal.

No comments:

Post a Comment