Sunday, November 22, 2009

PEPENG LOVES DEM ALL FILIPINOS

“Maysa, duwa, tallo!” Blag! Sabay kaming nagbibilang ni kuya. Minamadali naming binubuhat isa-isa ang mga gamit paakyat sa 2nd floor habang nagmamadaling tumtaas ang tubig sa aming mga paa.
“Dali! Bilis! Sige pa!” sigaw ng aking adrenaline rush. Tila ‘sanlibong tasa ng kape ang nilaklak ko sa bilis ng kabog ng dibdib ko.
Hindi pa rin ako kumakalma kahit wala naman nang dapat isalba. Na-trauma na yata ako sa mga napanood ko sa telebisyon. Akala ko exaggerated lang ang mga reporters dahil kung magsalita sila’y parang wala nang ititirang buhay ang mga mapagmahal na bagyo. Itong nerbyos ko’y mas grabe pa siguro ang naranasan ng mga binagyo ng Ondoy sa Manila.
Opo. Kasama kami sa mga biktima ni Pepeng at Ondoy. Hindi ko rin lubos akalain na sa buong bayan ng Bangar, parang ang bahay lang namin, kasama ang lima pang kapit bahay, ang nabaha. Mababa kasi ang tinitirikan ng bahay ng lola ko na aking tinutuluyan.
Segundo. Minuto. Oras. Hindi ko na alam kung ilan diyan ang nabilang ko, mahintay lamang ang paghupa ng baha.
Amami, Ave Maria, Salve Reyna, ‘di ko na rin maalala kung ilan at alin diyan ang napaghalo-halo kong dasalin habang si Pepeng ay rumaragasa. Basta, ang maalala ko lang, sampung libong beses akong nag-map sa sahig para lang tanggalin ang mga putik na bakas ng pag-ibig ni Pepeng sa ating bansa.
Ilang oras pa’y may kuryente na. para akong nasa disyerto na uhaw sa tubig, ang pagkauhaw ko rin sa balita, kaya agad-agad kong binuksan ang T.V. upang makarinig ng balita.
45 KATAO, PATAY SA LANDSLIDE.
(Ay sumalangit nawa.)
DAMS, NAGBUKAS NG GATES; PANGASINAN, BAHA.
(Tama lang na magbukas, or else, mas malala ang pinsala.)
PEPENG, PAPALAYO NA!
(Haaaay…)
JERICHO AT HEART, NAGKABALIKAN NGA BA?
(So?)

MGA ESTUDYANTE, NAG-NOISE BARRAGE KONTRA CLIMATE CHANGE.
(Huh? Ano ulit? Noise barrage? )
Tama ba ang pagkadinig ko? Ano naman kaya ang koneksiyon? Kanino sila nagwewelga? Sa Diyos? Sa Inang kalikasan? Sa bayan?
Hoy! Mga peste! Ba’t din na lang kaya kayo kumilos? Hindi po paggawa ng ingay ang sagot diyan! Tinuruan ba kayo ng guro niyo? Hindi nyo ba alam na sa paggawa niyo ng ingay sa mga lansangan ay nagkokonsumo kayo ng enerhiya na siyang nakakadagdag pa sa global warming, maliban sa pagkairita ng mga taong dumaraan sa lansangang diyan? Mag-isip nga kayo! Naku naman! Gising na, bayang Pilipino! Ang dami nanamang bloopers ang inyong pinakawalan.
Heto ang sabi ng ilan: Ang mga bagyong dumarating daw, trials lang ni God. (at ginawa pang sadista ang Diyos!)
Mabuti na lang daw at di na umabot ng lagpas tuhod ang baha sa bahay ng kaibigan ko. (at kalian pa nagdulot ng kabutihan ang baha?)
Buti na lang bumaba daw ang presyo ng mga bangus! (hayun! Nawalan sila ng hanap-buhay… At natuwa ka pa! Sino ngayon ang saadista?)
Mabuti na lang, suspendido ang mga klase! (‘wag ka na lang kayang mag-aral? Bakasyon mo everyday!)
Nabighani daw si Pepeng kay Imelda Marcos kaya nag-stay daw muna ito saglit sa ilocos! (nagawa mo pang magbiro!)
Watch out! Pepeng loves dem all Filipinos! (isa ka pa!)
Ano ba? Ganito pa rin ba tayo mag-isip? Ang kalikasan na ang nagpapapansin at sumisigaw ng saklolo. Huy! Panahon na ng pagbabago. Ilang buwan na lang, iba nanaman ang uupo sa puwesto. Tiyak, kaguluhan nanaman ang idudulot ng mga bwisit na namumulitiko. Ano pa nga ba? Tayo nanaman ding mga manghahalal ang dehado! Bakit, sa mga nagdaang bagyo, nasaan ang mga ulupong ng bayan?
Nakakawalang gana na tuloy ang bumoto. Walang duda kung bakit maraming mga kabataan ang hindi pa rin nakarehistro. Tabi-tabi po, pero kayong mga nakatayo, kumilos naman kayo! Dahil ang bumibidang sagip kapamilya at pumapapel na kapuso foundation na lang ang tangi naming naririnig!
Hay, kung sana kasi, tulong-tulong tayo… walang hilaan… walang urungan. Sige ang laban! Eh di sana umaasenso ang bayan! Kaya ngayon pa lang, dapat nang simulan! (actually, dapat kahapon pa!)
Ay! Wait! Tama na pala tong pag-susulat. Tulong muna ako sa kapit-bahay.

No comments:

Post a Comment