Sunday, November 22, 2009

PAULIT-ULIT

Andami kayang kaartehan ang mundo! Dapat maayos ka. Dapat, sumusunod ka. Dapat nakikiayon ka. Andami! Sa tagal kong namumuhay ay parang ‘di ko na mabilang kung ilan ang kinailangan kong gawin at kailangan pang gawin. Pero kung bibilangin mo, parang nobenta y singko por siyento nito ay parang inuulit lang.
Parang ‘yong nangyari sa akin isang gabi, (kagabi lang!) limang beses ba naman akong tinanong ni mamang kunduktor kung sa’n ako bababa? Kung sana kasi may sombrero ang bawat pasahero kaparis ng mga players ng pinoy henyo at nakasulat doon kung san ako bababa para wala nang maraming tanong. Buti naman sana kung hindi nauulit ang tanong niyang: “papanam, Ading?”
Naalala ko tuloy ang favourite intro ko sa favourite book ko sa biblia (favourite pero di ko naman inuulit…) sabi don, “…everything is useless! Somebody says, ’Come, I’ve found a new one!’ but it’s still the same… it’s like chasin’ the wind…” Biblia na nagsabi, lahat naman talaga nauulit.
Sermon nga ng instructors namin, inuulit lang naman daw namin ang basic concepts. Paano daw naging mahirap ang subject kung gano’n? Pero ang climax dun, pati sermon nila, paulit-ulit din. Kailangan mo lang makinig dahil wala kang magagawa kahit na ito’y paulit-ulit.
Pagkakamali mo ngang nagawa, inuulit mo! Kadalasan nga lang, hindi mo napupuna na nauulit lang kasi kulang ang kakayahan ng utak natin para isipin kung naulit na nga ba ito. Pero sa totoo lang, ang mga pagkakamali nating walang katuturan ay talagang ginugusto nating ulit-ulitin. Parang ang mga adik, hindi nila napupuna kung pang-ilang beses na nila itong ginawa. Panibagong araw ngayon. Ang mahalaga’y magawa nanaman nila dahil hindi na ito kaparis ng kahapon.
Ganito kadalasan ang mentalidad ng mga tao lalo na kung ang mga kahalubilo mo ay mga pakitang-tao. Wala ni-isa gustong magsimula ng panibago. Halos lahat, nakikiuso.
Matagal-tagal na rin ako sa teatro sa SLC. Pero kadalasan ang nangyayari, nauulit lang din. Di ko maiwasan kahit ako man ang tinaguriang director. Hindi ko rin hawak ang leeg ng mga estudyante. Kasi dadaan lang naman sila doon. May darating at aalis. May manggugulo at makikiayon. Nasanay na rin ako, dahil lahat ng ito’y paulit-ulit lang.
Napanood ko isang araw(kahapon lang din!) ang isang AVP na downloaded mula sa youtube, ang Kambas ng Lipunan. Pero kanina ko lang napagtanto, paano pa kaya ang buhay ng mga mangmang at mahihirap? Wala silang ibang kayang gawin kundi humingi o magnakaw o dedma na lang sa buhay. Na-guilty ako kasi ng labis sa tinuran ng batang ininterbyu ng pintor. Nagpinta kasi siya ng Last Supper pero ang mga kahalubilo ni Kristo ay mga palaboy; mga batang mang-mang at balisa ang buhay. Ipinakita ng pintor ang miniature ng kanyang painting at sinabing siya (‘yong bata) ang nakapinta doon sabay tanong ng: “ano naman kaya ang ginagawa ninyo diyan?” Napakagaling namang scriptwriter ng bata kung makapag-aral lamang siya dahil sa sagot niyang: “…ay! Ako pala ito, tapos niyaya namin si papa Jesus na kumain…tas… busog kami…”
SAPUL NAMAN ANG KALULUWA KO DUN! Whew! Saka ko lang ulit napagtanto na kailangan ko na rin talagang umpisahan ang panibagong simula ng buhay ko at ipag-papatuloy ang mga nasimulan ko. Kasi naman, halos ang buong kapaligiran ko, ang mentalidad ay: kapag may gagawin, dapat may mapapala. Wala na yata ni isa na ang tanging nais ay magbahagi nang walang hinihinging kapalit.
Dapat may mapala. Dapat may dahilan. Dapat nakikiayon ka. Dapat nakikiayon ka. Sa tingin mo, dapat nga ba? Madami ring nagsasabing unique sila. Pero karamihan din naman ng ginagawa, nakikiuso para makasabay sa agos ng buhay ng iba. Sabagay, sino nga ba ang gustong ma-ostracize?
Totoo nga namang may demokrasya. Kaya ang naaayon sa karamihan ay parang ito ang nagiging tama. Sociedad, ika nga nila.
Pero sa aking punto de vista, kailangan bang makikiayon at makikiulit ka rin sa pagkakamali ng iba? Isipin mo kaya ng paulit-ulit ang mga nangyari sa buhay mo? Alin kaya sa mga ito ang babaguhin mo, at alin-alin ang uulit-ulitin mo?

No comments:

Post a Comment