Sunday, August 15, 2010

kapit-bahay


[salin mula sa sermon ng isang pari sa panulat ni kuyadong]



“Doro, tingnan mo, oh! Napakadumi talaga ng bakuran niya!”
“Hay, naku, Chika! Ngayon mo lang napansin iyan!? Ala eh, noong isang linggo ko pang nasasambit ang tungkol diya-an sa kapit-bahay nating iya-an!”
“Ala eh, panay ang inom yata ni-yan e!,” sagot ni Aling Chika sa mister nitong si Doro.

Araw-araw nagsisimba ang mag-asawa at kadalasa’y napapansin nila sa kanilang bawat paglabas ang maraming bote ng alak na nagkalat sa bakuran ng kanilang kapit-bahay. Malimit ding makitang magulo ang mesang nakadapa sa harapan ng bahay, dagdag pa ang mahahabang damo sa buong paligid at mga kung anu-anong gamit na dapat ay nasa bodega. Mga gulong, mga liyabe, sirang sala set at pati na rin ang mga pinggan at basong hindi nailigpit sa paligid ng mesang taob.
Ni minsan, ‘di man lang namataan ng mag-asawa ang kanilang kapit-bahay na mag-simba.
“Halos lahat naman ng taga di-ne, e, nagsisimba. Bakit kaya ang kapit-bahay natin, e, ‘di man lang magawang magsimba kahit minsan lang?” puna ni Doro.
“Ala eh! Asa ka pa, Doro! Panay nga ang inom niya-an sa gabi eh! Pagkapangit-pangit nga ang napiling buhay ng kapit-bahay nating iya-an,” sagot ni Aling Chika sa asawa.
“Yayain mo kayang magsimba ‘yan? Malay mo, matauhan sa mga pinag-gagagawa sa buhay-nang magkaroon din ng direksiyon,” alok ni Mang Doro sa kausap.
“Aba! Dios mio! At bakit naman ako ang aalok sa kanya ng ganoon? Bakit ‘di kaya ikaw ang magyaya sa kanya, tutal, ikaw din lang ang nakaisip!” mabungis-ngis na sabi ng maybahay.

Naging usap-usapan na ang magulong bahay sa kapit bahay, hindi lang ng mag-asawa kundi pati na rin ng buong bayan ng Rosario, Batangas.
At sa mga nagdaan pang mga araw, napansin ng mag-asawa na tanghali na kung gumising ang kanilang kapit-bahay upang maghanap-buhay. Dumarating ito sa gabi kasama ang mga kaibigang mukhang goons at nag-iinuman ang mga ito ng magdamagan. Ganoon na lamang ang nakasanayang buhay ng kanilang kapit-bahay.


Sa mga sumunod pang mga linggo, patuloy na lumalaki at humahaba ang mga damo sa bakuran ng kapit-bahay. Kasabay ng mas humahabang tsismisan ng mag-asawa at ng buong bayan tungkol dito.

Ngunit minsan, araw ng linggo, bago magsimula ang misa sa umaga, “Uy, Doro, nariya-an na si Juancho- ang kapit-bahay natin,” balita ni Aling Chika sa Asawa tungkol sa nakita nitong palapit na kapit-bahay.
“Ala eh, mabuti nga ‘yan nang mabasbasan naman siya,” sagot ni Mang Doro na pilit hinihinaan ang tinig nang ‘di makaistorbo sa mga nagdarasal sa simbahan.
“Napansin mo ba, hindi na siya madungis! At ang ganda nang pagmasdan ang kanyang bahay na malinis,” nakangiting bungisngis ni Chika sa asawa.
“Oo, sa katunayan, maaga nang gumigising iya-an. ‘Di na rin umiinom. Wala nang maiingay sa gabi. At talaga namang napakagandang pagmasdan ang kanyang buong bakuran,” sagot ng kausap.

Nagtataka rin ang buong bayan sa mga pinapakita ni Juanco. Kasabay nito ang mas lumalalang tsismisan tungkol sa kanyang biglaang pagbabago. Kapansin-pansin din ang pagtigil ng pagtsi-tsismisan ng mag-asawang Chika at Doro tungkol sa mga kung anu-ano.
Makaraan ang ilan pang mga buwan, naging saksi ang lahat sa tuluyang pagbabago ni Juancho. Subalit, lingid sa kaalaman ng karamihan, ang pagbabagong napuna nila kay Juancho ay hindi sa kanya mismo nagsimula kundi sa mag-asawa.
Mabuti nga’t nagbago si Juancho at naging huwarang mamamayan ng bayan ng Rosario. Salamat sa pagsisimulang paglilinis ng mag-asawang Chika at Doro sa bahay niya na siyang dumurog sa puso ni Juancho at nagpasimula sa lahat ng kanyang pagbabago, kasabay ng patuloy na paggabay sa kanya.

Napagtanto marahil ng mag-asawa ang mga hindi kanais-nais na naidudulot ang pagtsitsismis kaya’t minabuti nilang gawan ng paraan para baguhin ito. Kita mo, dahil sa mga pagbabagong ginawa nila sa buhay nila, nabago din nila si Juancho. Ikaw, ano naman ang gusto mong baguhin sa buhay mo?

No comments:

Post a Comment