“YOU CAN MAKE IT; IF YOU FAKE IT!” –guiding principle ko yan sa teatro maliban sa “The show must go on!” Kapag may palabas kasi, kailangan maganda ito at hindi nakakaumay. Bawal magkamali. Dapat pulido at perpekto. Dapat lahat ng galaw mo, sakto! May bilang ang lahat ng bagay. May tamang sukat at galaw ang bawat eksenang gagawin mo. At kahit ano pa ang mangyari, dapat magpatuloy ka lang. Bawal magperform ng half-baked. At higit sa lahat, angkinin mo ang stage!
Madami naman talagang standards ang pag-gamit ng stage. Pero it’s worth the effort kapag nagawa mo lahat ito. Isipin mo na lang kung gaano kadami ang bilang ng audience mo, maliban sa laki ng stage na pagtatanghalan mo, parang imposbleng maangkin mo ang buong entablado kapag nerbiyos at kaba ang naghari sa dib-dib mo.Nagtataka nga ang mga kaibigan ko kung paano ko daw inaangkin ang entablado sa tuwing mag-isa lang ako sa gitna kaharap ang daan-daang mag-aaral ng SLC. Aba! Sa kapal ba naman ng pagmumukha ko at sa ubod ng kaepalan ko, padadaig ba naman ako sa mga kantiaw ng manonood at sa kabog ng dib-dib ko? Sa totoo lang, maglilimang taon na akong nagtatanghal sa stage ng Fr. Burgos Gym. Pero sa tagal kong iyan, kinakabahan pa rin ako sa bawat paglabas ko. Samakatuwid, nananalo naman ako sa bandang huli at naaangkin ko pa rin ang AKING ENTABLADO. Subalit lingid sa kaalaman ng lahat, ako mismo ang inaangkin ng stage na ito.
Kadalasan, halos magagandang bagay lang ang nakikita ng mga manonood sa bawat palabas. At ni minsan, hindi nila ako nahuli sa aking mga pagkakamali. Kumbaga, natuto na rin akong magtago. Pero ang stage na ito, siya ang saksi sa lahat ng mga pagkakamali ko. At kung nakakapagsalita lamang siya, napagalitan na niya ako o kinantiyawan ng bonggang-bongga. Nalalaman niya kung mali ang nabitawan kong linya. Alam din nito ang tunay na saloobin ko, sa likod ng mga pinapakita kong galak at tuwa. Higit sa lahat, siya mismo ang nakakaalam na sa likod ng bawat pagtatanghal, dugo’t pawis ang pinupuhunan dito. Siya rin ang saksi na sa likod ng mga makukulay na ilaw at sa likod ng mga mata ng bawat manonood, ako rin ay mahina at nahihiya sa bawat pagkakamaling nagagawa ko. Ako rin ay umiiyak sa bawat hamong
kinakaharap ko. Kumbaga, palabas lang ang nakikita ng madla, pero ang tunay na damdamin ko, siya lang, maliban sa Poong Maykapal, ang nakakaalam nito.
Sa pagdaan ng iba’t-ibang events na naganap sa stage ng Fr. Burgos Gym, parang napaka-unfair na hanggang ngayo’y tila hindi ito nababago sa kanyang pisikal na anyo. Ilang events na nga ba ang naisagawa dito? Ilang Institutional Masses na ba ang naidaos? Ilang tao na nga ba ang naparangalan? At ilang professional performers pa ba ang magtatanghal? Maliban sa annual na pagpapalit ng pintura sa kanyang backdrop, sana naman ay mapagtuunan pa ito ng pansin.
Sa huling taon ko sa bakuran ng kulehiyong ito, nais ko sanang ibuhos nang todo ang lahat ko sa mga nahuhuling pagtatanghal ko. Pero kung makakapagsalita lamang ang stage na ito, alam ko, sasabihin niyang: “…tama na, naibigay mo na sa akin ang lahat mo…”
Naku, good luck na lang sa akin kung ‘di ako humagulgol sa pag-iyak sa aking Graduation Day. Isipin mo, ang entabladong ito ang huling lugar na maaapakan ko sa pagtatapos ng aking kurso. Nakikini-kinita ko na ang emosyong maibubuhos dulot ng tuwa’t saya sa aking pagtatapos; at ang lungkot sa tuluyang paglisan ko sa entabladong ito. Dahil, sa totoo lang, parang bahay ko na ito. Panatag ako sa bawat pamamalagi ko sa aking entablado. Ako ang hari sa bawat eksenang ipinapakita ko dahil alam kong hindi ako matatalo sapagkat naipamamalas ko ang mga kalakasan ko.
Alam ko, maraming lugar pa ang aking mararating. Ilang entablado pa ang aking pagtatanghalan. Subalit namumukod-tangi pa rin at nag-iisa lang ang stage ng Fr. Burgos Gym. Dito ako nahubog. Dito ako hinulma. Dito ako natuto.
At sa aking pag-alis, dadalhin ko ang pangalang KUYADONG- na kanyang binuo. At kanya lamang ito.